Nagbigay pa ng dagdag na ayuda ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga magsasaka at mangingisda sa ilang bayan sa Batangas na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal noong Enero.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, kabuuang ₱54.4 milyong halaga ng interbensyon ang ipinagkaloob sa apat na munisipalidad ng ikatlong distrito Batangas.
Kabilang sa mga ipinamigay na tulong ay ang maliputo at ayungin fingerlings, tilapia at bangus cages sa mga mangingisda sa bayan ng San Nicolas at Laurel.
Mga alagang kalabaw naman, feeds, vitamins, antibiotics at iba pa ang ipinamigay sa mga magsasaka sa San Nicolas at certified seeds, fertilizers at planting materials sa mga magsasaka sa Laurel.
Kasama ring inabutan ng tulong ang iba pang magsasaka sa Mataas na Kahoy .
Bukod dito naglabas din ng ₱888,000 pondo ang Philippine Coconut Authority bilang kabayaran sa insentibo ng mga benepisyaryo ng Participatory Coconut Planting Project sa Agoncillo, Batangas.