Nakapaglatag na ang Department of Agriculture (DA) ng anim na mga livestock checkpoints sa iba’t ibang strategic locations sa Metro Manila at Southern Tagalog.
Sinabi ni DA Assistant Secretary at Spokesperson Arnel de Mesa na layon nito na mapigilan ang posibilidad na pagpasok ng African Swine Fever (ASF) sa National Capital Region at makalusot sa central at Northern Luzon.
Ipinatupad ito ng DA matapos na magdeklara ng state of calamity ang probinsya ng Batangas dahil sa pagtama ng ASF sa walong mga bayan.
Kabilang sa mga lugar na mayroon nang 24/7 na animal checkpoints ay sa:
– Commonwealth avenue
– Mindanao avenue, Tandang sora,
– EDSA Balintawak sa Quezon city at
– Marulas at Malanday sa lungsod ng Valenzuela
Bukod sa Metro Manila, nakapaglagay na rin ng checkpoints sa:
– Calamba, Laguna
– Star Tollway, Sto.Tomas, Batangas at
– sa Bayan ng Alfonso sa Cavite
Ang checkpoints ay mamanduhan ng mga pulis, quarantine officers ng Bureau of Animal Industry at maging ng local government units.
Ani De Mesa, maliban sa pagpigil sa pagkalat ng virus at bigyang proteksyon ang mga consumer sa NCR, layunin din ng checkpoints na pigilang makapasok sa Bulacan at Pampanga ang mga infected na baboy, kung saan isinasagawa ng DA ang malawakang hog repopulation program ng pamahalaan.