Nakatakdang makipulong ang Department of Agriculture (DA) sa presidente ng malalaking palengke sa Metro Manila sa susunod na linggo upang malaman kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa maraming lugar.
Ito’y sa kabila ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ang taripa sa bigas ng 15% mula sa dating 35%.
Nauna nang itinuro ng ilang rice importers na dahilan ng mahal pa ring bigas ay ang mga retailer dahil ibinaba naman na nila ang presyo sa ₱38 per kilo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr., sa pamamagitan ng pakikipagpulong, malalaman niya kung tama ang sinasabi ng mga importer na dapat ang presyo ng bigas ay nasa ₱45 level per kilo na lamang.
Kasabay nito, pinag-utos ni Laurel ang pagpapatupad ng random inspections sa mga palengke upang kumuha ng mga datos sa presyuhan ng bigas at malaman ang mga kinakailangang aksyon.
Kabilang na rito ang pagpapatupad ng mga hakbang na ipinapahintulot sa ilalim ng Price Act na magpoprotekta sa mga consumer at magpaparusa sa mga nagmamanipula ng presyo.