DA, naka-monitor sa suplay ng highland vegetables matapos padapain ng Bagyong Nando ang ilang plantasyon sa Benguet

Mahigpit na mino-monitor ng Department of Agriculture (DA) ang suplay ng mga highland vegetables ngayong ramdam na ang epekto ng hagupit ng Super Typhoon Nando.

Ayon kay DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa, posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng gulay mula La Trinidad, Benguet dahil nakapagtala ng pinsala ang maraming plantasyon doon.

Ani De Mesa, hindi dapat samantalahin ng mga traders ang sitwasyon dahil ang posibleng maging problema lamang ay ang volume o dami ng gulay, ngunit nananatiling bukas ang mga daan para sa pagluluwas ng highland vegetables.

Kabilang sa mga gulay na kinukuha mula Benguet ay repolyo, patatas, carrots, sayote, broccoli, at iba pa.

Dagdag ni De Mesa, naka-preposition na ang mga vegetable seeds na nakahanda nang ipamahagi sa mga apektadong magsasaka.

Inatasan na rin ng DA ang National Food Authority (NFA) na magpalabas ng 2 milyong bags ng rice stocks nito para ayudahan ang mga magsasaka at kanilang pamilya na sinalanta ng bagyo.

Nakahanda na rin ang pondo para sa crop insurance upang mabayaran ang mga magsasaka na nawalan ng pananim.

Facebook Comments