Aminado ang Department of Agriculture (DA) na nananatiling problema sa bansa ang African Swine Fever (ASF).
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DA Secretary William Dar na marami pa ring biyahero mula sa mga bansang may kaso ng ASF ang nagtatangkang magpuslit ng karneng baboy.
Bukod dito, may ilang hog raisers din ang hindi agad inire-report ang posibleng kaso ng ASF sa kanilang mga babuyan.
Sa ngayon, wala pa ring bakuna kontra ASF.
Pero ayon kay Dar, nakikipag-ugnayan na sila sa United Kingdom na isa sa mga tumutuklas ng bakuna kontra ASF virus.
Pinondohan din ng ahensya ang Central Luzon State University para naman sa pag-develop ng rapid test kits na gagamitin sa monitoring at surveillance bago pa man magkaroon ng ASF outbreak sa isang komunidad.
Sa pamamagitan nito, mas magiging mabilis ang pagresponde ng mga barangay at ng lokal na pamahalaan sa potensyal na outbreak ng ASF.
“Kailangan din natin yung rapid test kit bago yung PCR testing. Kasi ganon rin yung methodology dito sa ASF, PCR yung pinaka-comprehensive examination or analysis ng African Swine Fever virus. At dito sa pilipinas po na-develop itong rapid test kit, bago lang at ongoing po ang massive production ng rapid test kit na ito,” saad ng kalihim.
Samantala, kahapon nang ideklarang Bird flu-free ng DA ang Pilipinas.