Inaalam pa ng Department of Agriculture (DA) kung epekto ng oil price hike ang pagsipa ng presyo ng ilang agricultural products
Ayon kay Asec. Kristine Evangelista, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga biyahero at mga trader upang makita kung magkano ang naipapatong sa kanilang transportation cost ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Dito umano makikita kung gaano katindi ang epekto ng oil price hike sa presyo ng agricultural products.
Sa ngayon kasi aniya ay may paggalaw na sa presyo ng ilang produkto sa mga pamilihan.
Kabilang sa mga nagkakaroon na ng paggalaw ng presyo ay ang gulay na sumipa ng sampung piso hanggang bente pesos kada kilo.
Maging sa gulay, isda at karne ay may mga paggalaw na rin ngayon.
Wala naman aniya silang nakikita na kakulangan ng suplay.