Nangako si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na babawasan pa ang presyo ng bigas kasunod ng November inflation data na nagpakita ng positibong epekto ng mga programa ng ahensya sa pagtulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas.
Ayon kay Laurel, ang mas mababang presyo ng bigas ay nakatulong na mabawasan ang inflation para sa pinakamababang 30% ng income households, na naglalaan ng mas malaking bahagi ng kanilang mga badyet sa pagkain.
Mula noong Hulyo, ibinaba ang taripa sa imported na bigas mula 35% patungong 15% upang mapagaan ang rice retail price.
Gayundin ang pagpapababa ng inflation para mapadali ang monetary policy easing.
Ang mas mababang interest rates ay inaasahang maglalabas ng higit pang mga pondo upang makahikayat ng mga pamumuhunan at paglikha ng trabaho.
Inilunsad kahapon ng Department of Agriculture (DA) ang programang Rice-for-All sa ilang pampublikong pamilihan sa buong Metro Manila para makapagbenta ng murang bigas sa mga mahihirap.