Nanindigan ang Department of Agriculture (DA) sa kanilang panukalang bawasan ang singil sa mga produktong baboy upang madagdagan ang lokal na suplay nito sa merkado.
Sa pagdinig ng House Joint Committees on Agriculture and Food and Trade and Industry sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na oras na mabawasan ang singil sa mga produktong baboy, magiging dahilan ito ng pagbagsak ng presyo sa merkado.
Ipinanukala naman ng DA na mabawasan ang singil sa mga inaangkat na karneng baboy sa ilalim ng Minimum Access Volume (MAV) scheme kung saan mula 50 percent ay magiging 5 percent na lamang ito.
Samantala kasabay nito, target naman ng Department of Trade Industry (DTI) na magpataw ng mas mababang presyo sa mga karne ng baboy at manok sa mga supermarket.
Paliwanag ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, kukumbinsihin nila ang mga supermarket owners na ibenta ang mga meat products sa presyo na mas mababa pa sa itinakdang price cap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Habang patuloy rin aniya silang nagmo-monitor sa mga presyo ng mga imported pork products upang mapunan ang problema sa pagtaas ng presyo karne sa merkado.