Diskwento sa gasolina at hindi fuel subsidy ang ipagkakaloob ng Department of Agriculture (DA) sa mga mangingisda na apektado ng all time big time oil price.
Ginawa ng DA ang paglilinaw sa harap ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nakakaapekto sa paggalaw ng presyo ng agricultural products.
Ayon kay Undersecretary Cheryl Marie Natividad-Caballero, malaki ang maitutulong ng gasoline discount mechanism na kanilang isinusulong sa Department of Energy (DOE).
Aniya, aabot sa 30,000 na mangingisda sa mga munisipalidad na sakop ng West Philippine Sea (WPS) ang makikinabang dito.
Posible rin aniya na madagdagan pa ang bilang ng mga benepisyaryo depende sa aaprubahang pondo ng DOE.
Nasa limampung kompanya ng langis ang kinakausap na ng DOE at DA upang mapasama sa programa.
Batay sa panukala, dalawa hanggang tatlong piso ang mababawas sa mga mangingisda sa kanilang gastusin sa kada pagpalaot.