Suhestyon pa lang ang posibilidad na tanggalin ang price ceiling sa karneng baboy at manok sa Metro Manila.
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na inatasan na ni Agriculture Secretary William Dar ang national livestock program ng DA at ang agri-business and marketing para pag-aaralan ang hirit ng Senate Committee on Agriculture.
Kabilang aniya sa pinag-aaralan ay itaas ang price cap upang kahit papaano ay kumita ang retailers sa mga pamilihan.
Mahalaga aniya na ibalanse rito ang interes ng mamimili at ng negosyo.
Sinabi ni Reyes na ngayon ay tuloy-tuloy ang dating ng buhay na baboy mula Region 3, Region4-A, Region 4-B, Region 5 at Region 12 patungong Metro Manila.
Sa kasalukuyan, may 3,072 na buhay na baboy ang dumating sa Metro Manila.
Ang ginagawa aniya ng regional offices ng DA ay direktang bumili sa mga piggery at diretsong dinadala sa mga slaughter houses.