
Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na pagagandahin nila ang eligibility checks ng mga benepisaryo ng Rice Farmers Financial Assistance o RFFA.
Kasunod na rin ito ng natuklasan ng Commission on Audit (COA) na nasa 58,000 na mga recipient ng RFFA ang ineligible, patay at inactive na.
Ayon sa DA, regular na nilang ia-update ang record ng mga magsasaka sa pamamagitan ng field validation.
Ipinag-utos din ng DA na ibalik ang cash assistance na naipamahagi sa mga hindi kuwalipikado o namatay ng mga magksasaka at hindi na isasama sa mga cash aid distributions.
Base sa 2024 audit ng DA, sinabi ng state auditors na ang mga farmer-beneficiaries sa Ilocos Region, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Davao Region at Northern Mindanao ay bigong makamit ang eligibility requirements para sa rice assistance dahil sa isyu sa registration, land size limits at kakulangan ng supporting documents.
Dagdag ng audit body, ang mga nakalistang benepisaryo ay posibleng hindi mga magsasaka, hindi rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), nagsasaka o nagmamay-ari ng mahigit dalawang ektarya ng sakahan o hindi nakapagsumite ng mga kaukulang paperwork para suportahan ang kanilang idineklarang farmland area.









