DA: Pagbebenta ng ₱20 na bigas, palalawakin pa sa mga susunod na buwan sa mahigit 100 warehouse ng NFA

Palalawakin pa ng Department of Agriculture (DA) ang bentahan ng ₱20 na kada kilo ng bigas sa mga magsasaka sa 131 National Food Authority (NFA) warehouses sa bansa.

Ito’y kasunod ng paglulunsad ng “Benteng Bigas Meron Na” para sa mga magsasaka sa 18 NFA warehouse sa Cagayan Valley, Central Luzon at CAR.

Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, nasa 4.9 milyong mga magsasaka at mga palay worker sa bansa ang makikinabang sa programa.

Kung kaya inihahanda na ngayon ang mga warehouse pati na ang proseso ng bentahan para mapalawak ito sa Setyembre o Oktubre.

Kabilang dito ang inisyatiba ng DA na QR code para ma-monitor ang nabibili ng mga magsasaka dahil may limit lamang silang 10 kilo kada buwan.

Samantala, pinaplano na rin ng agriculture department na mapaabot ang benteng bigas sa mga mangingisda sa mga susunod.

Facebook Comments