Tuesday, February 24, 2026

DA, paiigtingin ang monitoring at suporta sa magsasaka ng sibuyas sa MIMAROPA

Paiigtingin ng Department of Agriculture (DA)–MIMAROPA ang kanilang monitoring at suporta sa mga magsasaka ng sibuyas sa rehiyon.

Alinsunod ito sa direktiba ni Francisco Tiu Laurel Jr. na bantayan ang presyo ng sibuyas at matiyak ang kapakanan ng mga magsasaka sa Occidental Mindoro.

Sa pamamagitan ng bubuuing Task Force Sibuyas, imo-monitor ng grupo ang farmgate price ng sibuyas sa lalawigan.

Batay sa pinakahuling datos mula sa limang bayan sa nabanggit na probinsya, ang farmgate price ng “sadyokan,” o isang variety ng sibuyas, ay naglalaro sa ₱30 hanggang ₱45 kada kilo nitong nagdaang linggo.

Bukod pa rito, bagama’t wala pang mandato para sa price ceiling sa sibuyas, kinikilala rin ng kagawaran ang pangamba ng mga magsasaka sa posibleng pagbaba ng presyo sa panahon ng anihan.

Dahil dito, magpapatupad ang DA-MIMAROPA ng mga interbensiyong makatutulong sa pagpapababa ng gastos sa produksyon at mapataas ang kita ng mga magsasaka. Kabilang dito ang pagbibigay ng production inputs gaya ng dekalidad na binhi, pataba, at iba pang farm support, pagtatatag ng cold storage facilities, at pagpapalawak ng market linkages sa pagitan ng mga magsasaka at institutional buyers.

Samantala, makikipag-ugnayan din ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan, mamimili, at iba pang stakeholders upang mapanatili ang maayos na daloy ng kalakalan, mapalakas ang ugnayan sa pamilihan, at maprotektahan ang interes at kabuhayan ng mga magsasaka.

Facebook Comments