Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na pinag-aaralan nila ang karagdagang mga bakuna para sa mga breeder at grower pang umas lalong mapalakas ang industriya ng baboy sa bansa.
Ito ay bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa African Swine Fever (ASF).
Ang anunsyo ay ginawa kasabay ng pagsisimula ng bakunahan kontra ASF sa Lobo, Batangas.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, malaki ang naging epekto ng ASF sa malalaking kumpanya at maging sa backyard farms.
Bagama’t ang malalaking kompanya aniya ay may kakayahan na mamuhunan sa biosecurity measures, 60% ng populasyon ng baboy sa backyard farms ay nahihirapan dahil sa kakulangan ng pondo para sa epektibong proteksyon.
Kaugnay nito ay naglaan ang DA ng P300M para sa pagbili ng 600,000 na mga bakuna sa ASF at handa itong humanap ng karagdagang pondo kung mapapatunayan na epektibo ang bakuna sa pagprotekta sa mga baboy kontra ASF.
Sa kasalukuyan, 32 probinsya ang patuloy na apektado ng ASF.