Kinalampag ni Senator Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) na ibigay na ang ₱9 billion na subsidiya ng gobyerno para sa mga magsasaka.
Ayon kay Marcos, dumulog na ang mga magsasaka sa kanyang opisina dahil ilang buwan na mula ng ianunsyo ng Budget Department na may cash aid na tig-₱5,000 sa 1.6 milyong mga magsasaka sa bansa pero hanggang sa ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na ayuda.
Giit ni Marcos na paspasan na ang paglalabas ng nasabing ayuda at huwag gawing time deposit ang pondo ng mga magsasaka.
Pinayuhan naman ng senadora ang DA na kung may problema sa pag-update ng ID system para sa distribusyon ng financial assistance para sa mga magsasaka ay dapat na makipag-ugnayan na ang ahensya sa mga municipal agriculturist na may listahan ng mga kooperatiba ng mga magsasaka na kanilang nasasakupan.
Nagbabala si Marcos na kapag patuloy na binitin ang subsidiya ng mga magsasaka ay tiyak na liliit ang ani at kakapusin ang bansa sa pagkain.
Ang ₱9 billion na subsidiya ay malaking tulong sa mga magsasaka para sa kanilang pagbili ng binhi at abono lalo ngayong Setyembre at Oktubre na nataon namang rice planting season.