DA, pinayagan na ang cloud seeding operations sa Central Luzon

Ibinigay na ng Department of Agriculture ang hudyat para sa pagsasagawa ng cloud seeding operations sa Central Luzon.

Layon nito na maagapan ang pagbaba ng water level sa Pantabangan Dam.

Inatasan na ni Agriculture Secretary William Dar ang Bureau of Soils and Water Management para pasimulan ang cloud seeding operations sa ilang parte ng Central Luzon, kung saan karamihan sa rice areas ay nasa critical reproductive stage na.


Naglaan na ng inisyal na P6 million na pondo ang National Irrigation Administration (NIA) para sa proyekto.

Hanggang September 5, 2020, nasa 182.17 meters na ang water elevation ng Pantabangan Dam o 30.97 meters na mababa sa normal high water level na 216 meters.

Nangangahulugan ito na hindi na sapat ang nakaimbak na tubig sa Dam upang matustusan ang mga kinakailangan sa irigasyon ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System.

Inaasahan naman ng NIA na makatutulong ang posibleng pagdating ng La Niña sa mga susunod na buwan para umangat ang water level ng Pantabangan Dam.

Maliban sa Central Luzon, hindi naman nangangailangan ng cloud seeding operations sa Region 1 at Region 2.

Facebook Comments