Plano ng Department of Agriculture (DA) na gamitin ang natira sa ₱2.1-billion ng nalikom na rice tariff noong 2019 para sa crop diversification at expanded crop insurance programs.
Batay sa datos ng Bureau of Customs (BOC), umabot sa ₱12.1 billion ang kabuuang nalikom mula sa naturang taripa sa imported na bigas.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, mula sa kabuuang malilikom na taripa kada taon, ₱10 billion dito ay otomatikong ilalaan para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Hatiin naman ang ₱10 billion RCEF sa apat na bahagi.
₱5 billion para sa farm machinery at equipment, ₱3 billion para sa pagbili ng ipapamahaging certified inbred seeds, pautang sa mga magsasaka na nagkakahagala ng ₱1 billion at ₱1 billion para sa training at extension services.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, balak nila na pondohan din ang iba pang inisyatiba para gawing produktibo at mapag-kumpitensya ang rice farmers sa bansa.
Kabilang dito ang pagsuporta sa mga magsasaka na nakapagparami ng iba pang klase ng pananim, pagpapalawak pa ng crop insurance at pagkakaroon ng agricultural land titling.
Sa ikalawang taon ng implementasyon ng RCEF, nakapagpamahagi ang DA ng 2,938 units ng farm machinery at equipment na nagkakahalaga ng ₱2 billion sa may 625 farmers cooperatives and associations.
Ang pangalawang bugso para sa 4,996 units na nagkakahalaga ng ₱3 billion ay natapos na ang bidding process at maipapamahagi na.