Planong palakasin ng Department of Agriculture (DA) ang pag-e-export ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng mangga, saging at niyog ngayong bumubukas ang bagong merkado sa Eastern Europe.
Sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol, na makikihati ang Pilipinas sa $5 billion na taunang budget na inilalaan ng mga taga Silangang Europa sa pag-aangkat ng mga tropical products.
Ayon sa kalihim, maraming produkto ang dapat ipakilala at panahon na para pangunahan ng gobyerno ang kampanya.
Aniya, sa halip na mga chips at pancit canton, mga agricultural products ang dapat ipakilala sa mga international trade fairs.
Tatangkain ng DA na mai-export ang mangga ng Pilipinas sa Belarus, Russia, Germany at sa Southeast Asia.
Sa ngayon nasa P2 million halaga ng mga mangga ang inaangkat na ng Dubai.
Idinagdag ni Piñol na tutulungan ng DA ang mango industry mula sa pagpuksa sa mga peste, sa proseso ng pag-aani hanggang sa paghahanap ng akma at disenteng packaging sa pag-export ng kanilang produkto.