Cauayan City, Isabela- Nagpamahagi ng libreng Vegetable seeds ang Department of Agriculture sa mga LGU’s sa Lambak ng Cagayan bilang tulong sa mamamayan ngayong may banta ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.
Ayon kay DA Regional Executive Director Narciso Edillo, sa ilalim ng kanilang programang “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat o ALPAS” ay inumpisahan nang nagbigay ng mga vegetable seeds sa mga LGU’s sa Rehiyon.
Nasa 80 porsyento na sa mga munisipyo sa rehiyon ang nabigyan ng iba’t-ibang buto ng gulay na ipapamahagi naman sa mamamayan.
Nakipag-ugnayan na ang DA Region 02 sa mga LGU’s na tiyaking maipaabot sa mga residente ang nasabing tulong upang makapag-umpisa nang magtanim ang mga constituent.
Kaugnay nito, may mga LGU’s pa rin ang hindi pa nagbibigay ng mga vegetable seeds sa kanilang nasasakupan dahil hindi pa umano nagsisimula ang rainy season.
Iminungkahi naman ni Edillo sa mga bayan o Syudad na walang bakanteng lote o espasyo na magkaroon ng barangay Nursery para makapagpunla at maipamigay na sa mga residente.
Ayon pa kay Ginoong Edillo, maraming paraan para makapagtanim ng mga gulay sa bahay habang naka-quarantine gaya ng pagtatanim gamit ang mga recycable materials.