Binatikos ng ilang grupo si Agriculture Secretary William Dar kasunod ng babala nitong krisis sa pagkain sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), katawa-tawa na si Dar pa ang nagbibigay ng babala gayong siya ang dapat sisihin sa kawalan ng food security sa bansa na bunsod ng walang habas na importasyon at pagpapabaya sa local agriculture.
Masyado kasi aniyang iniasa ng ahensya ang supply ng pagkain sa international market sa halip na doblehin ang pagtulong sa mga lokal na magsasaka.
Giit naman ni Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, matagal nang may food crisis sa bansa pero pinabayaan lamang ito sa pamamagitan ng paglalaan ng napakaliit na budget sa agriculture sector.
Tinawag din niya na “pagpapapogi” ang pahayag ng kalihim na posible ang P20 na halaga ng kada kilo ng bigas na campaign promise ni Presumptive President Bongbong Marcos Jr.
Sa huli, nanawagan ang grupo sa Marcos administration na pumili ng kalihim ng DA na may malawak na kaaalaman sa problema sa agrikultura at kung paano ito epektibong matutugunan.