Nangako ang Department of Agriculture (DA) na susuportahan nito ang sumisikat na community pantries sa gitna ng pandemya.
Sa virtual presser ng DA, sinabi ni Usec. Cheryl Marie Natividad-Caballero, Undersecretary for Agri-Industrialization and Fisheries, na nakahanda ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tuloy-tuloy na suplayan ng iba’t ibang fishery products ang mga community pantries.
Payo ni Caballero, makipag-ugnayan lang ang mga organizers sa kanila.
Huwag na aniyang problemahin ang logistics o pagdadala ng mga fishery products dahil sila na ang babalikat dito.
Kung mayroon din aniyang mga grupo ng mga mangingisda na gustong maghatid ng produkto doon pero walang kakayahang pang-transportasyon ay makipag-ugnayan lang sa BFAR.
Maging si Agriculture William Dar ay nagpaplano na ng hakbang kung paano makatulong sa pamamagitan ng Kadiwa ni Ani at Kita.