Puntirya ng Department of Agriculture (DA) na palawigin ang trial period ng P29 Rice Program ng isang taon.
Ito ay upang makakalap ng sapat na datos at masiguro ang mababang presyo ng bigas para sa mas maraming Pilipino, habang napapanatili ang kita ng mga magsasaka.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr, layon ng programang ito na matukoy kung posible bang mapanatili ang mababang presyo ng bigas sa mahabang panahon sa pamamagitan ng tulong ng gobyerno.
Sa ilalim ng P29 Rice Program makabibili ng de-kalidad na bigas ang mga mahihirap na sektor tulad ng mga indigent, senior citizens, persons with disabilities, at solo parents.
Bukod sa National Food Authority, tinitingnan din ng DA ang supply ng bigas mula sa kontrata ng National Irrigation Administration sa mga magsasaka na maaaring magsu-supply sa mga Kadiwa Center.
Sinabi pa ni Secretary Laurel, na palalawakin pa ang programa sa ibang lugar sa Luzon sa Agosto o Setyembre, at sa kalaunan ay sa lahat ng 1,500 munisipalidad sa bansa.
Matatandaang sinimulan ang trial run ng P29 Rice Program ngayong buwan sa 10 Kadiwa Centers sa Metro Manila at Bulacan.