DA, tiniyak ang sapat na suplay ng bigas sa kabila ng import ban; presyo ng bigas, bahagyang tumaas

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi magkakaroon ng problema sa suplay ng bigas sa kabila ng pagpapatupad ng 60-day import ban simula Setyembre 1.

Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, bago ipatupad ang import ban ay nakapasok na sa bansa ang mahigit 900,000 metric tons ng bigas nitong Abril at Mayo.

Dagdag pa rito, nakatakda ring anihin ang malaking bahagi ng lokal na palay kaya’t tiyak aniya ang sapat na suplay.

Paliwanag pa ni De Mesa na ang layunin ng gobyerno ay mapataas ang farm gate price ng palay upang mas makinabang ang mga lokal na magsasaka.

Batay sa datos, nakapagtala na ng pagtaas ng farm gate price sa walo sa 13 rehiyon na pangunahing producer ng palay.

Sa panayam ng DZXL-RMN Manila kay Marco Perez, nagtitinda ng bigas sa Kamuning Public Market, may pagtaas din sa presyo ng bigas na naramdaman nitong mga nakalipas na araw.

Samantala, tinatayang umabot naman sa mahigit P3 bilyon ang pinsala sa mga pananim, livestock, at poultry bunsod ng tatlong bagyo at habagat.

Aniya, kada taon ay nasa 500,000 hanggang 600,000 metric tons ng palay ang nawawala dahil sa pagbaha, bukod pa sa mga nasisirang gulay at namamatay na alagang hayop.

Dahil dito, patuloy ang pag-aadjust ng mga magsasaka sa kanilang planting calendar upang makaiwas sa pinsala.

Facebook Comments