Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi madidiskaril ang mga bagong biling bigas ng National Food Authority (NFA) ngayong nagsimula na ang anihan ng palay.
Ito ay kahit na pinatawan ng preventive suspension ang nasa 141 opisyal at empleyado ng NFA.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, patuloy ang NFA sa pamimili ng palay lalupa’t kailangan mag-imbak para sa buffer stocking.
Taon-taon kailangan ng NFA ng 330,000 metric tons na buffer stocks na tatagal ng siyam na araw.
Sapat din aniya ang tauhan ng NFA upang punan ang bilang ng nawalang mga opisyal at empleyado na pinatawan ng suspensyon.
Mahigit sa 2,000 ang kasalukuyang empleyado ng NFA sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ay aabot sa ₱17-B ang pondo ng NFA na ginagamit sa pamimili ng palay.
Nasa ₱23 kada kilo ang buying price ng NFA para sa palay pero sa kasalukuyan nasa ₱22 ang farmgate price para sa wet palay habang nasa ₱24 hanggang ₱27 kada kilo naman ng dried palay.
Mas mababa na umano ang farm gate price na ito kung ikukumpara ang presyuhan nuong nakaraang linggo kaya’t asahan umano ang pagbaba ng retail price ng bigas sa mga pamilihan sa sandaling bumuhos na ang inaaning lokal na produksyon ng palay.