DA, tiniyak na hindi nag-aangkat ang Pilipinas ng karneng baboy sa China

Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na umiiral pa rin ang importation ban sa pork at pork products mula China.

Ito ay matapos maiulat ang bagong uri ng swine flu na nadiskubre sa nasabing bansa na maaaring magdulot ng pandemya.

Sa statement, tiniyak ng DA at ng Bureau of Animal Industry (BAI) na hindi nag-aangkat ang Pilipinas ng swine o pork products mula sa China kasunod ng panawagan ng isang grupo.


Para sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), hindi kaya ng DA na ipatupad ang 100% border inspection at iminungkahi nila na suspendihin ang lahat ng refrigerated at non-refrigerated agriculture at agri-based imports.

Kinuwestyon din ng SINAG sa kung ano ang nangyari sa ₱2 billion na first border examination facilities na itinayo sa ilang bahagi ng bansa ngayong taon.

Mula noong nakaraang taon, naghigpit ang Pilipinas sa pagpasok ng pork at pork products mula China kabilang ang Hong Kong at Macau, maging sa iba pang bansa tulad ng Russia, Mongolia, Ukraine, Czech Republic, Moldova, Zambia, South Africa, Hungary, Belgium, Bulgaria, Latvia, Poland, Vietnam, Romania, at Cambodia bunsod ng outbreak ng African Swine Fever (ASF).

Nabatid na inilathala ng US Science Journal na PNAS ang pag-aaral nito na isang bagong uri ng swine flu na pinangalanang G4 ay maaaring makahawa sa tao.

Ang G4 ay mula sa H1N1 strain na nagdulot ng pandemya noong 2009.

Facebook Comments