Pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng publiko sa napabalitang Coronavirus na kumapit sa packaging ng imported seafoods na nagmula sa Amerika at ibinagsak sa pantalan ng Dalian sa China.
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Engr. Ariel Cayanan, Undersecretary for operations, na may nakalatag na safety protocols ang gobyerno para matiyak na hindi makakalusot sa bansa ang mga imported agriculture products na posibleng maging banta sa kalusugan o makapinsala sa industriya ng agrikultura.
Lahat aniya ng mga frozen meats o seafoods na ipinapasok sa bansa para sa konsuno ay masusing binubusisi ang mga importation documents.
Sumasalang din aniya sa quarantine procedure ng Department of Health (DOH) ang mga bumiyahe o galing sa mga bansang mayroong virus upang masiguro na hindi ito makakahawa sa iba.