DA, tiwalang matatapos ang ASF outbreak dahil sa pag-develop ng bakuna

Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang mga hakbang para magkaroon ng access ang Pilipinas sa mga bakunang dine-develop laban sa African Swine Fever (ASF).

Sa Joint Committee Hearing sa Kamara, kumpiyansa si Agriculture Secretary William Dar na matatapos ang ASF outbreak dahil sa mga ginagawang bakuna para dito.

Ang bakuna aniya ang sagot para muling maparami ang populasyon ng mga baboy sa bansa.


Para naman kay Danny Fausto, Presidente ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc., nananawagan naman sila sa gobyerno na huwag ipitin ang budget na kailangan ng DA.

Ang mga problemang kinahaharap sa sektor ng agrikultura ay dahil sa kabiguan ng gobyerno na ibigay ang budgetary requirement ng ahensya.

Bukod dito, dapat ayusin din aniya ng pamahalaan ang budgetary priorities nito, dahil kung hindi ay kailangan na nilang matutong kumain ng “kongkretong kalsada at tulay.”

Sa halip na P450 billion proposed budget ang ibigay sa kagawaran, nasa P90 billion lamang ang ipinagkaloob ng Kongreso.

Punto pa ni Fausto, ang livestock at poultry ay nag-aambag sa one-third ng food requirement ng bansa.

Tinabla ito ni House Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate at iginiit na mula sa ehekutibo ang budget proposal.

Habang hinihintay ang bakuna, ang DA ay mayroong nakatakdang food security summit para mahanapan nag solusyon ang mga problema lalo na sa kakulangan sa supply ng meat products, gulay at bigas.

Facebook Comments