Umapela ang Department of Agriculture (DA) sa mga mambabatas na suportahan ang panukalang itaas sa ₱15 billion na pondo ang halaga ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang bahagi ng pondo ay gagamitin sa irigasyon at pantulong sa mga magsasaka na may hindi tataas sa dalawang ektaryang lupang sinasaka.
Sa kasalukuyan aniya ay nasa ₱10 billion ang RCEF sa ilalim ng ipinatutupad na Rice Tariffication Law (RTL) na magtatapos sa taong ito.
Malaki ang naitulong ng kasalukuyang RTL sa produksyon ng bigas sa bansa kung saan tumaas aniya ng 7% ang performance ng rice sector.
Sa kasalukuyang RTL, ₱10 billion kada taon mula sa makokolektang taripa ng Bureau of Customs (BOC) mula sa imported rice ay mapupunta sa kapakinabangan ng mga magsasaka.
Sa halagang ito, ₱5 billion ang nakalaan para sa makina o mechanization, ₱3 billion sa inbred seeds, ₱1 billion para sa pautang at ₱1 billion sa pagsasanay ng mga magsasaka.