Hindi na ikagugulat ni Senator JV Ejercito kapag ipapa-subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee si Agriculture Senior Usec. Domingo Panganiban kung sa ikatlong pagkakataon ay hindi ito muling makakaharap sa pagdinig ng komite.
Matatandaang muling ipinagpaliban sa ikalawang pagkakataon ng Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa diumano’y smuggling ng asukal bago mailabas ang sugar order number 6 dahil hindi nakadalo sa pagdinig ang mga mahahalagang ‘resource persons’ kabilang na rito si Panganiban.
Dalawang beses na ring lumiban sa pagdinig ng Blue Ribbon si Panganiban kung saan kahapon ay wala nanaman ito dahil kasalukuyang nasa isang official mission sa Washington DC.
Sinabi ni Ejercito na bagama’t nasa desisyon na ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino kung ano ang susunod na gagawin, hindi naman aniya maitatanggi na naiinis na ang committee chair dahil useless kung itutuloy ang hearing kung halos lahat ng mga pangunahing resource persons ay wala naman.
Tulad ni Senator Risa Hontiveros, dismayado rin si Ejercito dahil nasayang lang ang oras ng Senado at ng ibang opisyal na personal na dumalo sa pagdinig.
Umaasa ang senador na hindi na liliban sa susunod na pagdinig si Panganiban dahil tanging ang opisyal lang ang makasasagot sa ilang mga katanungan dahil sa kanya nanggaling ang memorandum ng kontrobersyal na sugar order.