Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na wala silang nakikitang posibleng paggalaw sa presyo ng mga gulay sa Metro Manila matapos ang pananalasa ng Bagyong Florita.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista na batay sa kanilang nakuhang inisyal na ulat mula sa tanggapan ng DA-Region 1 ay umabot sa 628 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura sa Ilocos Norte ang naapektuhan ng bagyo.
Karamihan aniya sa mga naapektuhan ay mga palayan, gayundin ang mga sakahan para sa mga high-value crops tulad ng mga gulay.
Sa kabila nito, tiwala si Evangelista na walang inaasahan paggalaw sa presyo ng mga gulay sa Metro Manila dahil sa epekto ng Bagyong Florita.
Dagdag pa ni Evangelista, nagpaabot na rin ng tulong ang DA sa mga magsasaka tulad ng pagbibigay ng buto ng palay, mais at gulay.
Available na rin aniya ang quick response fund ng ahensya para matulungan ang mga apektadong magsasaka.