Daan-daang buto ng tao na nakuha sa Taal Lake, dapat imbestigahan pa rin kahit lumabas sa pagsusuri na hindi ito kabilang sa missing sabungero

Iginiit ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa mga awtoridad na imbestigahan pa rin ang mahigit 300 na mga buto ng tao na nakuha sa Taal Lake kahit lumabas sa pagsusuri na hindi ito kabilang sa mga nawawakang sabungero.

Apela ito ni Tinio makaraang lumabas sa briefing sa House committee on human rights na base sa DNA testing na ginawa sa ilang mga buto ng tao na nakuha sa Taal Lake ay hindi nagtugma sa DNA samples ng mga kaanak ng missing sabungero.

Diin ni Tinio, maraming pang ibang tao ang nawawala bukod sa missing sabungero, tulad ng mga aktibista at ordinaryong mamamayan na matagal nang hinahanap ng kanilang mga pamilya.

Ipinunto ni Tinio ang dami ng mga buto ng tao na nakukuha sa Taal Lake ay nagpapakita na biktima sila ng karumal-dumal na krimen, at may pananagutan ang gobyerno na alamin ang buong katotohanan para mapanagot ang nasa likod nito.

Dagdag pa ni Tinio, dapat ding silipin ng mga awtoridad ang posibilidad na ang Taal Lake at mga lugar sa paligid nito ay maaring tapunan ng mga bangkay o killing field.

Facebook Comments