Napagsabihan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang daan-daang indibidwal sa unang araw ng muling implementasyon ng mahigpit na quarantine border control checkpoints.
Ito ang inulat ni PNP Deputy Chief for Operations at JTF COVID Shield Commander Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson matapos na mag-ikot sa iba’t ibang border sa Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna at Batangas.
Aniya, dahil sa unang araw ng implementasyon kahapon ng striktong border control points nagkaroon ng inconvenience sa mga dumaaan sa checkpoints.
Marami ang bumalik na lamang sa kanilang mga destinasyon at hindi na nagpumilit pang makadaan sa mga border control points.
Sinabi ng heneral na nadala naman sa pakiusap ang ilang indibidwal at walang naitalang mga untoward incidents sa muling pagpapatupad ng paghihigpit.
Apela naman ni Dickson sa mga pasaway na mga indibidwal na sana intindihin nila ang trabaho ng mga pulis dahil ang kanilang ginagawa ay para sa kabutihan ng lahat.
Pinagana ng PNP ang kanilang mahigpit na quarantine control points, alas-12:00 ng hatinggabi kahapon August 1, 2021, batay sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.