Daan-daang kilo ng botcha, nasabat sa Maynila

Aabot sa halos 300 kilos ng double dead na karneng baboy o botcha ang nasabat ng mga tauhan ng Veterinary Inspection Board sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Dr. Nick Santos, pinuno ng Veterinary Inspection Board, ini-report ng mga tindera sa kahabaan ng P. Guevarra St., ang isang vendor na nagbebenta ng botcha.

Kaya’t dahil dito, agad silang nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng Brgy. 364 para masakote ang hindi pa pinangalanan vendor kung saan iginiit nito na ganoon na raw ang itsura ng baboy ng i-deliver sa kaniya na mula pa ng Bicol.


Sinabi ni Dr. Santos na nakita ng mga tauhan niya ang mga karne na nakababad sa chlorine upang magmukhang sariwa kung saan intensyon talaga ng vendor na ibenta ito.

Kaugnay nito, pinag-iingat ng Manila Veterinary Inspection Board ang publiko sa mga karneng bibilhin ngayong Kapaskuhan.

Sinabi pa ni Dr. Santos na may mga nakalulusot pa ring mga botcha kaya’t dapat maging alerto at suriin ito ng mga consumer para sa kanilang kaligtasan at kalusugan.

Dagdag pa ni Santos, dapat din tiyakin na ang mga bibilhing karne ay mayroong permit na mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) o kaya sa Manila VIB.

Facebook Comments