Daan-daang libong mga trabaho ang posibleng maapektuhan ng suspensyon ng reclamation projects.
Sa press conference sa Quezon City, inisa-isa ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon ang mga benepisyo sa taongbayan ng reclamation projects.
Sinabi ni Gadon na sa Manila waterfront pa lamang ay 51% ng total reclaimed area na pag-aari ng gobyerno ay maaaring kumita ang pamahalaan ng bilyun-bilyong piso na makatutulong sa mga kampanya ng pamahalaan kontra kahirapan.
Nangangahulugan aniya ito na sa kabuuang 318 hectares na reclaimed, 160 hectares dito ay pag-aari ng gobyerno.
Nagbibigay rin aniya ito ng daan-daang libong trabaho para sa mga Pilipino partikular sa panahon ng reclamation, construction at development works.
Malaki rin aniya ang maitutulong nito sa turismo ng bansa at maglilika ng mga bagong trabaho sa tourism workers.
Sa kabilang dako, hinimok ni Gadon ang Department of Environment and Natural Resources na tukuyin sa lalong madaling panahon ang mga sinasabing paglabag na naging dahilan ng pagkakasuspinde ng reclamation projects.