Daan-daang mga lumabag sa quarantine protocol, inaresto sa QC

Pinagdadampot ng Quezon City Police District (QCPD) at QC Task Force Disiplina ang mga pasaway na mga residente ng lungsod na lumabag sa quarantine protocols.

Sa isinagawang operasyon, daan-daang mga residente ang inaresto dahil hindi nakasuot ng face mask at kawalan ng physical distancing sa mga pampublikong lugar.

Kasama sa mga inaresto ang mga senior citizen at menor de edad mula sa Batasan Hills dahil hindi sila awtorisadong lumabas ng kanilang tahanan.


Agad dinala sa Amoranto Sports Complex ang mga inaresto kung saan sumalang sila sa seminar ng tamang pagsunod sa quarantine protocols.

Matapos nito, ay agad silang idinaan sa booking proceedings at inquest proceedings para sampahan ng kasong paglabag sa City Ordinance na may kinalaman sa health protocols.

Bago sila sampahan ng kaso ay isinailalim din ang mga naaresto sa rapid test para alamin kung positibo ang mga ito sa COVID-19.

Facebook Comments