Daan-daang motorista, huli sa operasyon ng MMDA kahit walang NCAP

Daan-daang motorista ang natiketan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa paglabag sa batas-trapiko.

Sa loob lamang ng dalawang oras, halos 200 motorista na ang nasita ng mga tauhan ng MMDA sa magkahiwalay nitong operasyon sa Quezon City at sa Roxas Boulevard sa Maynila.

Karamihan sa mga nasita ay lumabag sa over speeding, number coding, walang lisensya at pagmamaneho nang naka-tsinelas lang na pagsuway sa dress code at hindi pagsusuot ng seatbelt.


Katunayan, ayon kay MMDA Traffic Operations Head Col. Bong Nebrija, karamihan sa number coding violators ay nahuli pa nila sa gitna ng kalsada.

“Dun sila bumabaybay kasi alam nila wala na tayong NCAP, yung mga enforcer nasa gilid lang, hindi sila maaabutan. You know, we need to sacrifies on this para malaman nila na we will be implementing, with or without the NCAP. Kaya yung mga tauhan namin, nasa gitna para hulihin yung mga nagva-violate pa rin,” ani Nebrija sa panayam ng RMN DZXL 558.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng MMDA Ang mga motorista na sumunod pa rin sa batas-trapiko kahit ipinahinto muna ng Korte Suprema ang implementasyon ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP).

Facebook Comments