Isang umaga na hitik sa selebrasyon para sa mga debotong Muslim ang namayani sa loob ng Quezon Memorial Circle.
Bandang 5 ng umaga kanina nang magsimulang dumating at magtipon-tipon ang mga kapatid nating Muslim.
Suot ang kanilang pinakamagandang damit o katumbas ng damit pang samba ng mga Katoliko, sama-samang nagdasal ang mga kapatid nating Muslim para salubungin ang umaga ng Eid’l Fitr, na hudyat sa pagtatapos ng Ramadan o ang panahon ng pag-aayuno at marubdob na pagdarasal.
Eksaktong ala siyete kanina nang sabay-sabay na yumuko at humarap sa direksyon ng tumingala sa araw ang mga debotong Muslim.
Kasunod nito ay nakinig sila sa sermon ng Ustadz o high priest.
Nang tanungin ang mga debotong Muslim kung ano ang laman ng kanilang panalangin kanina, karamihan sa kanilang sagot ay para sa kaligtasan at kalusugan ng kanilang pamilya gayundin ang kapayapaan sa Mindanao.