DAGAMI Cagayan Valley, Nagsagawa ng Kilos Protesta sa Cauayan City Isabela!

Cauayan City, Isabela – Nagsagawa ng kilos protesta kaninang umaga ang grupo ng Danggayan Dagiti Mannalon (DAGAMI) Cagayan Valley sa kahabaan ng Rizal Avenue, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa tagapagsalita ng grupong DAGAMI na si Ginang Cita Managelod, kinabibilangan umano ng mga magsasaka, kababaihan at kabataan ang nakiisa sa kanilang inilunsad na unang koordinadong pangrehiyong pagkilos sa buwan ng magsasaka.

Aniya, layunin ng kanilang protesta na maipahayag sa lahat ang kanilang pagtutol sa nagaganap na matinding pangbubusabos, kahirapan at kagutuman na nararanasan sa ngayon ng malaking bilang ng mga naghihirap na magsasaka.


Nais din umano ng grupo nito na ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mga nagugutom lalo na sa panahon ng kalamidad at maging ang nagaganap na de facto martial law sa lalawigan ng Isabela partikular sa mga liblib na komunidad ng mga magsasaka.

Inihalimbawa ni ginang Managelod ang katatapos umano na fact finding mission at medical mission na isinagawa ng Karapatan CV at DAGAMI Cagayan Valley kung saan ay napatunayan umano nila na ang 54thIB at 86IB ay lumalabag sa karapatang pantao sa bayan ng Jones at Echague na umano’y naghahasik ng pang-aabuso tulad ng paghalughog sa mga bahay ng mga residente sa mga nabanggit na lugar.

Samantala, may kahalintulad din umano na pagkilos sa Maddela, Cabarugis Quirino at sa iba’t ibang probinsya sa buong lambak ng Cagayan at bukas naman umano ay sa lungsod ng Tuguegarao Citry, Cagayan.

Facebook Comments