Dagdag allowance para sa mga teaching at non-teaching staff sa mga public schools at SUCs, isinusulong sa Senado

Pinadadagdagan ni Senator Joel Villanueva ang allowances ng mga guro at non-teaching staff sa mga pampublikong paaralan at mga eskwelahang pinatatakbo ng estado.

Ito ay para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan gayundin ang pantustos para sa medical at transportasyon ng mga guro ngayong nagsimula na ang School Year 2022-2023.

Kaugnay dito ay inihain ng Senate Majority Leader ang dalawang panukala, ang Senate Bill 564 na layong pagkalooban ng grocery, medical at transportation allowances ang mga teaching at non-teaching personnel sa mga public schools at Senate Bill 565 kung saan pinabibigyan din ng kaparehong benepisyo ang mga teaching personnel mula sa mga state universities and colleges (SUCs), at state-run technical vocational institutions (TVIs).


Layunin ng mga panukala na maiangat ang kondisyon ng mga educators sa bansa kasabay ng muling pagbabalik sa klase.

Iginiit ni Villanueva na karapat-dapat lamang na maibigay ang dagdag na benepisyo sa mga guro lalo’t mabigat ang responsibilidad na naka-atang sa mga ito pagdating sa pagkatuto at kinabukasan ng mga kabataan.

Nanawagan naman ang senador sa Department of Education (DepEd) na tiyaking ang pagbubukas ng mga paaralan ay matatapatan ng kahandaan partikular sa pasilidad, mga guro at mga mag-aaral gayundin ng striktong pagtalima sa minimum health standards lalo’t naririyan pa rin ang COVID-19.

Facebook Comments