Hihilingin ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa House Committee on Youth and Sports Development na pag-aralan ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga atleta, coaches at trainers sa bansa.
Ayon kay Cayetano, isasangguni niya sa Chairman ng komite na si Valenzuela Rep. Eric Martinez na pag-aralan ang pagbibigay ng health insurance sa mga atleta.
Sinabi ni Cayetano, naglalabas pa rin ng malaking halaga ang mga atleta pagdating sa pagpapaospital kahit na may PhilHealth.
Paliwanag nito, ang mga injuries na tinatamo ng mga atleta ay hindi basta-basta dahil kakailanganin ng mga ito na maibalik ang kakayahan sa paglalaro.
Dagdag dito, ipapasilip din sa komite ang dagdag na benepisyo sa mga coaches at mga training staff.
Aniya, totoong magagaling ang mga atleta ng bansa pero malaking papel ang ginagampanan ng mga coaches at trainers para sa humusay ang ating mga atleta.