Binatikos ni Senator Nancy Binay ang planong taasan pa sa 2022 budget ang pondong nakalaan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), habang babawasan naman ang budget para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Pahayag ito ni Binay sa harap ng plano ng Malacañang na dagdagan pa ng P11.6 billion ang kasalukuyang P16.4 billion na pondo ng Anti-insurgency Task Force.
Kasabay nito ay babawasan naman ng P170 million ang kasalukuyang P393 million na budget ng RITM na siyang nangungunang infectious disease research and laboratory facility sa bansa.
Giit ni Binay, ang kalaban natin ay COVID-19 kaya bakit mas binibigyan pa ng importansya ang ELCAC kaysa RITM.
Puna ni Binay, mukhang wala na sa realidad ang gobyerno kaya mas inuuna ang red-tagging at hindi nito prayoridad ang kalusugan ng mamamayang Pilipino.
Diin ni Binay, ang dapat gawin ng pamahalaan ay palakasin pa lalo ang mga public health service institutions at hindi pahinain sa pamamagitan ng pagtapyas sa pondong nakalaan sa pangangalaga sa kalusugan, testing at COVID-19 response.