Dagdag-buwis sa junk foods, softdrinks at iba pang sweetened beverages, pinaboran ng isang health advocate; pero iginiit nito na hindi pa ito napapanahon!

courtesy of Sonic Analytics

Pabor naman ang health advocate na si Dr. Tony Leachon sa isinusulong ng Department of Health (DOH) na karagdagang buwis sa junk food at matatamis na inumin.

Pero, iginiit ni Leachon na hindi pa ito napapanahon sa ngayon dahil may mga dapat ikunsidera gaya ng magiging epekto sa ekonomiya ng inflation.

Paliwanag ng eksperto na dapat munang tukuyin ng DOH ang mga partikular na junk food at sweetened beverages na dapat patawan ng additional tax upang gagamitin din ang karagdagang kita para tustusan ang Universal Healthcare Law (UHL) na awtomatikong mag-e-enroll sa mga Pilipino sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP).


Naniniwala rin aniya siya na mahabang panahon ang gugugulin sa pagpapatupad ng dagdag-buwis sa mga naturang produkto tulad ng sinapit ng Sin Tax.

Dagdag pa ni Leachon, kailangan din ng DOH ang tulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., mga mambabatas at private sector dahil tiyak na maraming malaking kompanya ang aalma.

Una nang inihayag ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mababawasan ang konsumo sa mga nasabing produkto, kung papatawan ng dagdag-buwis gaya ng alcoholic drinks at tobacco products.

Ito rin aniya ay bilang solusyon para maiwasan ang obesity sa mga kabataan.

Facebook Comments