Manila, Philippines – Pagpapasyahan ngayong araw ng Senate Blue Ribbon Committee kung dapat na bang ilipat sa Pasay City jail si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na nakaditine sa senado simula pa noong Setyembre.
Ayon kay Committee Chairman Senator Richard Gordon, ang kanilang magiging pasya ay depende kung haharap si Faeldon sa muling pagdinig mamayang ala una ng hapon ukol sa mga katiwalian, partikular ang umanoy tara system sa Bureau of Customs.
Paliwanag ni Gordon, bagamat hindi niya gustong malipat sa city jail si Faeldon ay kailangan nilang protektahan ang senado upang hindi sundan ng iba pang personalidad na kanilang ipapatawag sa mga senate hearings ang ginawa nitong pagmamatigas.
Binanggit pa ni Gordon, na dagdag gastos lang sa senado ang pagkaditine ni Faeldon dahil naka-aircon ang kwarto sa basement ng senado kung saan ito nakaditine, at may ambulance pang nakahanda para sa kanya.
Pero sabi ni Gordon, posible din namang palayain na nila si Faeldon na kanilang pinatawan ng contempt makaraang hindi na siputin ang senate hearing ukol sa paglusot sa bansa ng 6.4 billion pesos na shabu galing sa China.