Dagdag kontribusyon sa PhilHealth, pinasususpinde ni Pangulong Duterte

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na maghahanap ng pondo para mapanatili ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ang pahayag ng Pangulo kasabay ng panawagan nitong ipagpaliban ang nakatakdang dagdag kontribusyon sa mga miyembro ng PhilHealth ngayong taon.

Sa kanyang “Talk to the Nation Address,” nakiusap si Pangulong Duterte kay PhilHealth Chief Dante Gierran na huwag munang ipatupad ang contribution hike para maibsan ang paghihirap ng mga tao ngayong pandemya.


Matatandaang nakatakdang itaas sa 3.5% ang contribution rate ng mga miyembro nito ngayong taon, mula sa 3% nitong 2020.

Sa ilalim ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Act, pinapayagan ang PhilHealth na mag-adjust ng rate ng 0.5% bawat taon simula sa 2021 hanggang sa maabot nito ang limang porsyento pagsapit ng 2025.

Facebook Comments