Dagdag-kontribusyon, sinimulan nang ipatupad ng PhilHealth

Sinimulan nang ipatupad ang dagdag-kontribusyon ng PhilHealth.

Mula 4% noong 2023, 5% na ang magiging kaltas sa buwanang sahod ng mga manggagawang miyembro ng PhilHealth ngayong taon.

Sabi ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr., kailangan ang dagdag-kontribusyon upang mapalawak at maparami ang mga benepisyo at programa ng ahensya.


Aniya, plano ng PhilHealth na dagdagan ang benepisyo para sa mga nagpapagamot dahil sa dengue, asthma, pneumonia, ischemic heart disease, katarata at mga nagpapa-chemotherapy.

Ito na ang huling pagtaas sa kontribusyon alinsunod sa Universal Health Care Law kung saan inaasahang makalilikom ng 17-bilyong piso.

Una nang ipinatigil ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapatupad ng dagdag-kontribusyon noong nakaraang taon dahil sa mga hamon sa ekonomiya gaya ng tumataas na presyo ng mga bilihin.

Sabi ni Ledesma, sakaling ipahinto ulit ng Malacañang ang contribution hike ay handa naman silang sumunod.

Facebook Comments