DAGDAG LIFEGUARDS AT WATCHTOWERS, ITATALAGA NG DAGUPAN CDRRMC

Bilang tugon sa sunod-sunod na insidente ng pagkalunod sa Tondaligan Beach sa Bonuan, mas pinaigting ng Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang kanilang seguridad sa mga baybayin.

Ayon sa mga ulat, ilang buhay na ang nasawi sa mga nakaraang buwan dahil sa pagkalunod, dahilan upang magsagawa ng mas maigting na mga hakbang ang lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga pangunahing inisyatibo ay ang pagdaragdag ng bilang ng mga lifeguard at watchtowers sa lugar.

Mula sa anim, itataas sa sampu ang bilang ng mga watchtower upang mapalawak ang saklaw ng pagbabantay.

Samantala, ang kasalukuyang sampung lifeguard ay madaragdagan pa at magiging labinlima upang matiyak ang mas mabilis na pagtugon sa mga insidente.

Tinatayang libo-libong bisita ang dumarayo sa Tondaligan Beach araw-araw, lalo na tuwing weekend kung saan halos dumodoble pa ang bilang ng mga tao.

Nanawagan ang LGU sa mga shed owners na maging katuwang sa pagpapaalala at pagpapatupad ng mga patakaran sa kaligtasan.

Bahagi rin ng mga regulasyong ipinatutupad sa lugar ay ang “No Swimming Policy” na nagsisimula tuwing alas-singko ng hapon, upang maiwasan ang mga aksidente lalo na kapag lumalalim na ang gabi. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments