Hiniling ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa liderato ng Kamara na dagdagan ng ₱521 million ang kabuuang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa susunod na taon.
Kaugnay nito ay nagpadala din ng liham si Lee sa House Committee on Appropriations sa layuning mapabilis ang pag-update at maging digitalized ang data registration ng mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Ayon kay Lee, ang nasabing halaga ay gagamiting para sa maayos at mahusay na pagpapatupad ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) project ng DA.
Binanggit ni Lee na nakapaloob sa naturang proyekto ang kumpletong profiling ng mga farmer at fisherfolk, maging ang georeferencing ng 846,000 hektaryang sakahan o pataniman at ang upgrading ng Information and Communications Technology (ICT) network ng DA.
Sinabi ni Lee na sa pamamagitan ng RSBSA ay magiging mas madali ang pag-access ng mga magsasaka at mangingisda sa iba’t-ibang programa ng pamahalaan na nakalaan para sa kanila, kabilang ang pamamahagi ng ayuda o financial assistance, fuel subsidy at iba pa.
Diin pa ni Lee, bukod sa pag-a-update ay maisasakatuparan din ang full integration ng RSBSA data sa iba pang government programs gaya ng Philippine Identification System (PhilSys) ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) masterlisting ng Department of Agrarian Reform (DAR).