Pinaghahanda ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pamahalaan sa inaasahang dagdag na 1.5 million workforce ngayong taon.
Ang babala ng senador ay kaugnay na rin sa naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na hindi nabago ang unemployment rate nitong Pebrero na nanatili sa 4.8 percent o 2.47 million na mga Pilipinong walang trabaho.
Ayon kay Villanueva, tiyak na madaragdagan na naman ang bilang ng mga unemployed at underemployed dahil sa dagdag na papasok sa labor force.
Asahan aniya ito lalo na kung walang gagawing pagsisikap ang gobyerno para matugunan ang pagkakaroon ng dagdag na trabaho at ang agwat sa school-to-work transition at job-skills mismatch lalo na sa mga bagong graduate.
Iminungkahi ng senador na kailangang palakasin ang mga sektor na may potensyal sa pag-aalok ng trabaho tulad ng agri-fishing, manufacturing at iba pang industriya para makalikha ng bago at sustainable jobs gayundin ang matugunan ang mga isyu sa school-to-work transition at tiyakin na ang mga mag-aapply na empleyado ay may sapat na industry-relevant skills at core skills tulad ng ‘critical thinking, creativity, communication at collaboration’.
Sinabi pa ni Villanueva na kailangan ding kumilos ng lahat ng ahensya ng gobyerno kung talagang gusto na matigil na ang paulit-ulit lang na kawalan ng trabaho sa maraming Pilipino.