Inihirit ni GSIS Chair Rolly Macasaet na bigyan na lamang ng dagdag na 30-day leave credit ang mga empleyado ng Gobyerno sakaling tamaan ng COVID-19 at maubos ang sick leave.
Sa isinagawang virtual hearing ng House Defeat COVID-19 Committee Economic Cluster, sinabi ni Macasaet na ito ang kanyang nakikitang win-win solution para sa pamahalaan at empleyado.
Base kasi sa isinusulong na Philippine Economic Recovery Act (PERA) ng mga mambabatas, nais nilang maglaan ng P1 billion na pondo para sa sosobrang sick leave ng mga government employees na magkakasakit o tatamaan ng COVID-19.
Pero ayon kay Macasaet, mas maigi na i-convert na lamang ito bilang leave credit upang hindi na rin maglabas ng pondo ang pamahalaan.
Aniya pa, ang P1 Billion ay maaaring ilaan ng pamahalaan sa private sector na nangangailangan din ng tulong.