Dagdag na allowance at benefits sa mga healthcare worker, inihain sa Kamara

Isinusulong ni House Committee on Social Services Chairman Alfred Vargas ang dagdag na allowance at benepisyo ng mga healthcare worker tuwing may public health emergency.

Sa House Bill 10331 o Allowances and Benefits for Health Care Workers Act, layunin nitong pagkalooban ng dagdag na allowance at mga benepisyo ang healthcare worker sa panahon ng pandemya gaya ngayong COVID-19 pandemic.

Kabilang sa benepisyo ang ₱1 million na “just compensation” na ibibigay sa pamilya ng healthcare workers na namatay sa pagtupad ng tungkulin, gayundin ang dagdag na ₱100,000 allowance kapag nagkasakit ng severe COVID-19 at ₱15,000 para sa mild o moderate na COVID-19 case.


Kasama rin sa dagdag na benefits ang fixed na buwanang Special Risk Allowance (SRA), PhilHealth coverage para sa lahat ng gastusin sa pagpapagamot gayundin ang pagbibigay ng life insurance, allowance para sa accommodation, transportasyon at pagkain.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, entitled lang sa hazard pay ang public health workers.

Umaapela ang kongresista na agad aprubahan ang panukalang batas upang mabigyan ng mas maayos na working condition at mahikayat ang mga healthcare worker na magsilbi sa bansa ng mas mahabang panahon dahil makikitang prayoridad ng pamahalaan ang kanilang kapakanan at pangangailangan.

Facebook Comments